100, pandemiko x kalamidad literary folio

Wala nang Filipino sa antas ng kolehiyo sa bisa ng mga bagong general education na kurso ng CHED memo #20 2013. Kaugnay nito, kasabay ng bagong henerasyon ng mga mag-aaral na dumaan sa bagong sistema ng edukasyon sa K+12 ang pagkakaroon ng mga strand at track. Kung sakali na hindi akma ang kinuha noon sa senior high ay maaaring kumuha ng mga bridging course sa kolehiyo para makasabay sa ibang mga mag-aaral na naka-align ang kinuha dati sa basic education. Isa ito sa mga bridging course, ang malikhaing pagsulat o creative writing sa Ingles. Ang pagsulat ng mga malikhaing akda kagaya ng tula, kuwento at dula. Nasubukan ko na magturo sa senior high ng creative non-fiction dahil sa laboratory school ng Education sa MSC. Ngunit mas matagal kong naituro ang creative writing kaysa creative non-fiction sa antas ng kolehiyo. Kung kaya mas minabuti ko, kahit pang senior high at galing sa DepEd ang course guide ay ipinasok ko na rin ang scriptwriting manual at kaunting creative non-fiction para mas integratibo at mas malawak ang maaaring hakbangang ng mga nagsisimulang manunulat. Ginamit kong muli ang teksbuk sa Malikhaing pagsulat nina pinatnugotan ni Ayer Arguelles, isang makata at kritiko. gayundin, para sa pagsusulat ng dula ay ginamit ko ang Trip to Quiapo ng batikang playwright at workshop master na si Ricky Lee. Upang maging madulas ang transisyon mula sa teknikal na pagsulat tungo sa malikhaing pag-akda ay gumamit rin ako ng mga ehersisyon sa creative nonfiction kagaya ng pagsusulat ng diary at journal. Dahil sa angking limitation ng pandemya ay ginawa rin naming paksa ang covid, new normal sa edukasyon at mga pang-araw-araw na gawain sa lockdown at quarantine. Dahil rin sa mga bagyo, pagbaha, walang kuryente, mabagal na internet at mahinang signal ay naging paksa rin sa mga katutubong porma ng pagtula at kuwento. Naging tampok ang mga tula kagaya ng tanaga, dalit at diona. Sa mga kuwento naman, ginamit ang porma ng dagli at flash fiction. Sa kasunod na bahagi ng kurso ay pinasadahan naman ang iba-ibang uri ng skrip at mga kakanyahan ng midyum ng entablado, pelikula, telebisyon at radyo.

 

Dr. Randy T. Nobleza

Unang Semestre 2020-21

Paaralan ng mga Sining at Agham

Estado Kolehiyo ng Marinduque

http://