Wikang Marindukanon, Wikang Filipino: Mapagbago (pang-JHS)

ni: Dr. Diana Palmes Nobleza

 

Daan taong isinubi ang mga salita

Dito sa kubling hugis-pusong isla

Mula sa supling nina Garduke at Marina

Isisilang tadhana ng kaniyang wika.

 

Mga salita ay iluluwal

Wikang mag-aambag ng kalutang

Kapara ng bila-bila na maglalakbay

Sa wikang kaluluwa ng kapuluan.

 

Yano, Ngani, Baya, Mandin!

Marindukanon kung tawagin,

Humayo na at arugain

Wika natin ay kanlungin!

 

Wikang Marindukanon, wikang Filipino: mapagbago!

 

Baybayin, Abesedaryo, ABAKADA, at bagong alfabeto

Kaloob sa  mga milenyal at bagong siglo

Pamilang na pito at walo magkakawangis tayo

sa Java, Maori, Tahiti at wikang Polynesyo.

 

Mga hulagway ng diyalekto at wika

Yumayabong sa talinghaga

Sa pilantik ng dila at timyas ng kataga

Mapagpalayang wika ang panata.

 

Hawanin ang diwang kaalama’y inaapuhap

Manaliksik, magsulat at maglimbag

Itanghal at mahalin ang Wikang Filipino

Papag-isahin damdamin ng bayan ko at bayan mo.

 

Tinatanaw na pagbabago,

Gabay ang wikang Filipino !

 

Lunggating nagbibigkis matatamo

Sa wikang pambansa at katutubo

Magpunyagi at gamitin ang Filipino

Tungo sa lipunang uunlad at magbabago.

 

Wikang Marindukanon, wikang Filipino: mapagbago!