Ang Marindukanon Studies ay talaban ng Info Shop Marinduque at Marindukanon Studies Center. Ang mga info shop ay karaniwang pinagsamang aklatan at sentro ng mga gawaing pangkomunidad. Ang isa sa mga pinaka-unang info shop sa kapuluan ay ang Kinaiyahan Unahon na nagsimula pa noong 2005. Sa kasalukuyan ay wala nang KU ngunit nagkaroon ng mga nagsasariling espasyo mula dito kagaya ng Organic Minds, Maharlika Integral Emergence at Siargao Permaculture Farm o Sambali Art Space. Samantala ang Araling Panghinaharap ay transdisiplinal na larang kung saan patuloy na nililinang ang mga posibilidad, alternatibo at malayang na kinabukasan. Habang ang Awtonomus na Araling Filipino ay pagpapanahon at pagpapalawak ng Pilipinolohiya at Araling Pilipino mula sa mga ideya ni Jose Rizal at Isabelo delos Reyes. Ang proseso ng paghantong sa Awtonomus na Araling Filipino ay dumaan sa dinamiks ng pampook at pambansa. Sa pamamagitan ng paghahanap at pagtatala ng mga mga nagbubukod at nagbubuklod na katangian ng ilang piling sentro ng pag-aaral at pananaliksik mula sa Luzon, Visayas at Mindanao ay nakahalaw ng mga permutasyon sa pagsasarili. Mula sa karanasan ng Marinduque, ang heograpikong sentro ng Pilipinas at puso ng arkipelago ay matutunghayan ang pagiging sarili ng probinsya sa mga karatig nitong Batangas, Quezon at Mindoro. Simula noong ika-21 ng Pebrero 1920, naging awtonomus ang Marinduque at makalipas ang kulang-kulang sa isang siglo ay nasa proseso pa rin ng pagsasarili ang probinsya. Kung gayon, sa pamamagitan ng Marindukanon Studies at Araling Panghinaharap ay ilalatag ang mga posibilidad, alternatibo at malayang kinabukasan ng Marinduque.
Susing Salita: Info Shop Marinduque, Marindukanon Studies Center, Kinaiyahan Unahon, Araling Panghinaharap, Araling Filipino