Sa pakikipag-ugnayan sa Kagawaran ng Edukasyon, Dibisyon ng Marinduque (DepEd Marinduque), ang bagong tatag na Sentro ng Wika at Kultura (SWK) sa Marinduque State College (MSC) ay magsasagawa ng Tertulyang Pangwika: Marindukanon sa Agosto 11, 2017. Inanyayahan ang mga bihasa at paham sa wika at kulturang Marindukanon para magtipon-tipon at magbahagi ng kanilang mga naging pag-aaral at adhikain.
Ang pangunahing tunguhin ng Tertulyang Pangwika ay makapagpalawak, makapagpalalim at makapagpalaganap ng kamalayan sa katutubo at pambansang kultura/wikang matatagpuan sa Marinduque. Sa tulong ng mga tagapanayam na sina Jerahmeel Laderas, Jose Sadia, Jellie Jalac, at Gng. Rosalinda Castro, inaasahang maisakatuparan ang layuning ito.
Kasalukuyang nagtuturo si Jarahmeel Laderas ng Araling Panlipunan sa Marinduque Midwest College sa Gasan, Marinduque. Siya ay nagsagawa ng pag-aaral tungkol sa Marindukanong wika, ang Marinduque Tagalog.
Samantala, si Jose Sadia, miyembro ng Gasan Historical Society ay mayroong sariling limbag na mga aklat pangkasaysayan tungkol sa Gasan at nakagawa ng diksiyunariyo ng Gaseño.
Si Jellie Jalac naman na guro sa Mataas na Paaralan ng Bambang ay nakapagtapos sa MSC sa pamamagitan ng tesis ukol sa mga panandang pangkasaysayan sa buong lalawigan.
Ang huling tagapanayam ay ang dating direktor ng MSC Culture and Arts at tagapagtatag ng Sining at Kulturang Mogpogueño na si Gng. Castro. Siya ang tagapangasiwa ng proyektong Mogpog Henyo, isang paligsahan sa mga taal na salitang Mogpogueño.